Showing posts with label elementary. Show all posts
Showing posts with label elementary. Show all posts

Monday, October 25, 2010

Central Memories Part 2

Dinalaw na naman ako ng antok dito sa opisina. Upang hindi tuluyang antukin, sinubukan kong mag-isip ng mga bagay na maaaring gumising sa aking natutulog na diwa. Tutal naman naumpisahan na din ang pagbabalik-tanaw sa kabataan, atin na lang ipagpatuloy ang Central Memories.

Noong Grade 1 ako, napansin ko na kakaunti ang mga mapuputi sa classroom namin. Kung ikukumpara ang kulay ng balat ko noon sa ngayon, di hamak na mas maputi na ako ngayon. Pero sigurado ako na hindi ako maitim at hindi din naman ako sobrang puti. Fair complexion, ika nga. Hindi ko masyadong binigyang pansin ang kahalagahan ng pagiging maputi or hindi noon. Paki ko, basta ako, ayaw ko ng maputing gatas! Wow, paki-connect nga. I mean, ayaw ko ng gatas na pure. Mas gusto ko ay 'yong gatas na may halong Milo or Ovaltine. Sige na nga, milk chocolate!

Nung college na 'ko, saka ko naisipan na tingnan muli ang mga class pictures ko nung elementary. Una kong napansin sa Grade 1 class pic ay kung gaano ako kaputi noon. Nagulat ako. Sunod kong tiningnan ay kung sino-sino pa ang mga matatawag na mapuputi. Bukod sa sarili ko, may tatlo pa. Hindi ko na maalala mga full names nila kasi naman antagal na. Duh, 1987.

Yung isa, lalake. Naalala ko na anak siya ng may-ari ng parlor sa may Velez Street. Nakakatuwa dahil nalaman ko ito nung minsang sumama ako kay Mama sa parlor nila upang siya'y magpagupit. Mahilig kasi si Mama magpagupit ng buhok. Hahaba lang ng ilang sentimetro ay magpapagupit na. Therapy niya daw 'yon.

Yung pangalawang maputi, may lahing Intsik. Surname niya ay Go kaya sa tuwing siya ay susunduin ng kanyang tatay tuwing uwian, nagkakantyawan kami ng "Go, ****, go!" Ibig sabihin, bilisan niya ang pagtakbo sa gate kung saan inaantay siya.

Yung pangatlo, kapangalan ko pa. Si Apple Jade. Mukha siyang batang laging may rasyon na labada. Lagi kasing nakataas ang buhok ng isang malaking clip na parang maglalaba lang sa batis. Maganda pa naman at maamo ang mukha. Tuwing tinitingnan ko ang aming class pic, para bang may palo-palo na nakatago sa kanyang likuran. 

Nakakatuwa palang magbalik-tanaw tungkol sa kulay ng balat. Nawala tuloy antok ko.

Central Memories Part 1

Kanina ako'y naupo sa paminggalan dito sa opisina at nakinig sa iba't ibang istorya ng buhay.

Bigla ko tuloy naalala ang aking kabataan at ang mga taong nagpasaya nito.

Naalala ko, higit sa lahat, ang aking mga kaklase/kabarkadang ubod ng kulit at galing. Ang tawag sa aming grupo ay "7 stars". Sino ba naman ang makakalimot sa mga 'yon? Parang kelan lang na merong pitong bata na pinagtagpo-tagpo sa primera klaseng mababang paaralan ng aming syudad.

Noon, hindi ko naisip na malaki pala ang agwat ng isang taga-public school sa isang taga-private school. Siguro dahil masaya at kumpleto naman ang aking mga gamit sa eskwela at meron akong baon. Hindi ko kailangang manghingi ng papel o manghiram ng lapis sa katabi kasi nga madami akong ganoon. Pero napansin ko na mas maputi ang medyas ng mga taga-private school kesa sa public school. Ano ba yan? Medyas pa napansin ko. At syempre pa, mas makintab at hindi maputik ang sapatos ng mga taga-private. Siguro dahil na rin sa katotohanang marami sa public school ang galing sa mahihirap na lugar sa siyudad.

Naalala ko tuloy ang kwento ng Mama ko nung Grade 1 ako. Sa pagkakaalam ko, may labinlimang seksyon sa Grade 1. At isa ako sa mapalad na nakaakyat sa stage para tumanggap ng gold medal. Syempre sikat ka pag may gold medal noong araw. Kinabukasan, pagkagaling nila Mama at Papa sa palengke, sabi ng Mama ko, binati siya nung suki niya ng isda sa palengke. Ang galing pala ng anak mo,  nakatanggap ng gold! [Wow! Sana pwedeng isanla 'no?] Nakita kasi nung tindera na umakyat si Papa sa stage para sabitan ako ng medal. Nagkataon din na ang anak niya pala ay isa din sa pinarangalan sa mataas na baitang naman.

Tuwing naalala ko yun, masaya ako. Hindi lang pala sa opisina napupuri ang Mama at Papa ko na may anak sila na honor student, kundi pati din pala sa palengke. Napagtanto ko na doon nagsimula ang salitang "pressure" sa aking buhay.

N.B. This series shall be called "Central Memories". I went to City Central School in elementary and I believe the place contributed a much bigger part of me and who I am today. Names of persons shall be withheld, if need be, so as not to cause undue embarrassment and injury to them.