Dinalaw na naman ako ng antok dito sa opisina. Upang hindi tuluyang antukin, sinubukan kong mag-isip ng mga bagay na maaaring gumising sa aking natutulog na diwa. Tutal naman naumpisahan na din ang pagbabalik-tanaw sa kabataan, atin na lang ipagpatuloy ang Central Memories.
Noong Grade 1 ako, napansin ko na kakaunti ang mga mapuputi sa classroom namin. Kung ikukumpara ang kulay ng balat ko noon sa ngayon, di hamak na mas maputi na ako ngayon. Pero sigurado ako na hindi ako maitim at hindi din naman ako sobrang puti. Fair complexion, ika nga. Hindi ko masyadong binigyang pansin ang kahalagahan ng pagiging maputi or hindi noon. Paki ko, basta ako, ayaw ko ng maputing gatas! Wow, paki-connect nga. I mean, ayaw ko ng gatas na pure. Mas gusto ko ay 'yong gatas na may halong Milo or Ovaltine. Sige na nga, milk chocolate!
Nung college na 'ko, saka ko naisipan na tingnan muli ang mga class pictures ko nung elementary. Una kong napansin sa Grade 1 class pic ay kung gaano ako kaputi noon. Nagulat ako. Sunod kong tiningnan ay kung sino-sino pa ang mga matatawag na mapuputi. Bukod sa sarili ko, may tatlo pa. Hindi ko na maalala mga full names nila kasi naman antagal na. Duh, 1987.
Yung isa, lalake. Naalala ko na anak siya ng may-ari ng parlor sa may Velez Street. Nakakatuwa dahil nalaman ko ito nung minsang sumama ako kay Mama sa parlor nila upang siya'y magpagupit. Mahilig kasi si Mama magpagupit ng buhok. Hahaba lang ng ilang sentimetro ay magpapagupit na. Therapy niya daw 'yon.
Yung pangalawang maputi, may lahing Intsik. Surname niya ay Go kaya sa tuwing siya ay susunduin ng kanyang tatay tuwing uwian, nagkakantyawan kami ng "Go, ****, go!" Ibig sabihin, bilisan niya ang pagtakbo sa gate kung saan inaantay siya.
Yung pangatlo, kapangalan ko pa. Si Apple Jade. Mukha siyang batang laging may rasyon na labada. Lagi kasing nakataas ang buhok ng isang malaking clip na parang maglalaba lang sa batis. Maganda pa naman at maamo ang mukha. Tuwing tinitingnan ko ang aming class pic, para bang may palo-palo na nakatago sa kanyang likuran.
Nakakatuwa palang magbalik-tanaw tungkol sa kulay ng balat. Nawala tuloy antok ko.